sa paghahanap ko ng pasko
Thursday, December 14th, 2006nalulungkot ako.
sampung araw na lang, di ko pa rin maramdaman ang diwa ng pasko. sabi ng isang kakilala ko, ito ay sa dahilang ang pasko ay para sa mga bata (sumakatwid, ito ba ay sintomas na ako ay tumatanda na? wag po, ayaw ko pa.) pero sa araw na ito, isang tagpo ang nagdala sa akin ng kakaibang saya dulot ng kapaskuhan.
sa araw-araw na paglalakbay ko (oo, binabaybay ko ang buong manila mula quezon city papuntang pasay para makapagtrabaho) minsan, tulad ngayon, parang naawa ako sa sarili ko..naiisip ko, bakit ba ako nagtitiis dito samantalang ang sarap naman mamuhay sa probinsiya..? naputol ang daloy ng mga kasagutan sa isipan ko nang makita ko ang isang pedicab lulan ang isang pamilya. yung tatay, mga biente anyos, hirap na hirap pausugin ang pedicab na lulan ang asawa niya na mga dise otso anyos lang, at ang kanilang dalawang anak…isang dalawang taong gulang, isang mga isang taong gulang…at buntis pa ang batang babae na maybahay na. unang sumagi sa isipan ko..Diyos ko, pano sila nabubuhay? kung ako nga, walang asawa at anak, hirap na hirap mabuhay, pano pa sila..? me dalawang palalamunin at me isa pang parating?
habang magkatabi ang sinasakyan ko sa kanila, nakita ko ang saya sa mga mukha ng mag-asawa.pinipilit kong pigilin pero nakaramdam ako ng inggit para sa kanila.ang saya nilang tingnan. iniisip ko ang dahilan ng ngiti sa mga bibig nila at nalaman ko na ito ay isang parol na hawak-hawak ng batang lalaki. tuwang-tuwa sila at pinag-uusapan nila kung saan nila ito ilalagay sa bahay nila. at nagtatawanan silang buong pamilya.
nakakatuwa.
simple lang ang buhay para sa kanila.mali ang pag-aakala ko. ako lang ang namomoblema samantalang sila naman ay tuwang-tuwa sa buhay nila. nainggit ako sa kakayahan nilang makakita ng kasiyahan sa gitna ng pagtatawid sa roxas boulevard lulan sa isang pedicab. kahit kita sa mukha ng batang ama ang hirap ng pagmamaneho ng pedicab lulan ang maybahay niya at mga anak nila..siya ay nakangiti at nagtitinginan silang mag-asawa habang tumatawa..sabay haplos ng nanay sa ulo ng bunso nila.
hindi ko alam kong pano o kung kelan mismo..pero sa mga sandaling iyon, biglang namuo sa puso ko ang kakaibang saya. at lubos akong natutuwa na ako ay uuwi rin sa sarili kong pamilya ilang araw na lang…ilang araw na lang, me ganung ngiti rin sa mga bibig ko habang kasama ko ang mga magulang ko, kapatid at mga pamangkin, mga tiyuhin, tiyahin at mga pinsan… madadagdagan ang mga masasayang ala-ala dulot ng mga tradisyon ng pamilya namin tuwing pasko at bagong taon.
nagpapasalamat ako sa pamilyang iyon.dahil sa kanila, dumating na ang diwa ng pasko sa puso ko para sa taong ito.
nawa’y manatili ang diwa ng pasko sa puso nating lahat! maligayang bati! =)